Thursday, October 1, 2009

Ondoy, Ondoy sa Balitaw (ang naganap sa San Roque)


Gabi ng Setyembre 25 sa taong kasaluykuyan, habang kami ng mga kasamahan ko mula sa trabaho ay kumakain dahilan sa gabi na natapos ang aming ganap, napansin ko ang matinding lakas ng ulan. Mula Fairview hanggang Timog sa Quezon City ay wala itong hudyat ng kapaguran. Mga bandang 4:00 ng madaling araw kami nagpasiyang magsi-uiwan. Pinagmamasadan ko pa rin ang mga mahahaba’t malalaking patak ng ulan mula sa taxing aking sinakyan. Hirap na hirap si manong na sumuong. Hindi ko alam kung dahil sa ulan nga o siya’y inaantok na. Nang marating naming ang tulay sa bayan ng Marikina, hindi ko agad nabigyan ng direksyon ang drayber dahilan sa pagkakagulat sa umaapaw na noong ilog sa ilalim nito. Nang malapit na kami sa dulo ng tulay saka ko nabatid na bigyan siya ng direksyon na kumanan sa J.P. Rizal St. Nakauwi ako bandang mag aalasingko na ng umaga.

Pagmulat ko ng aking mata ay bandang mga 9:00 ng umaga. Sabi ko, “Shet, puyat nanaman! Ok lang wala naman akong ganap ngayon bilang Sabado.” Malakas ang ulan. Nag agahan ako at matapos ay nagsurf sa internet. Sa pagkakataong ito’y malakas na ang ulan na may kasama ng kidlat ngunit wala ang kulog. Sabi ng aking tiyahin ay bibili raw lamang siya ng itlog sa tindahan para sa aming pananghalian. Makalipas ang mga sampung minuto at siya narito na muli sa bahay. Napansin kong may mga butil ng luha sa gilid ng kanyang mga mata na hindi ko madalas mabanaag sa kanya dahil nga siya’y aking kabaligtaran...kung ano’ng ikinalempot ko, siya naming ikinabrusko niya pero hindi siya mahilig sa kapwa babae, mailinaw ko lang. Kung kaya medyo nangiti pa ako at naibulalas na “Tita, bakit para kang naiiyak?” Nagpasiya siyang maligo at tunguhin ang ang kanyang tindahan 5 bloke mula sa amin.

Habang naliligo siya, narinig ko ang ilang kapitbahay na mabilis na nag-uusap. Para bang piyesta na uli sa amin eh kakatapos lamang nito noong nakaraang buwan. May kakayahan kasi akong makarinig mula sa malayo ng malinaw (bionic ears) pati makaamoy ng mainam. Bumaba ako at laking gulat ko na baha na ang harapan ng bahay namin!

Abot hanggang tuhod ang baha. Sa kauna-unahang pagkakataon sa aming mga naninirahan dito sa San Roque ay ngayon lamang kami binaha. Dali-dali akong umakyat at sinabi ang nagisnan sa aking tiyahin. Nagulat siya at tila ba nagkaroon ng kasagutan ang tinanong ko rin sa kanya kanina. Kumuha siya ng payong at agarang bumaba. Sumunod ako dala ang isa pa ring paying at noong kami ay nasa pinakalabas na ng bahay, hindi na kami makapaniwalang baha na nga ang buong barangay namin...may ilang karag-karag ang kanilang mga anak at kasangkapan, may ilan namang pabalik-balik lamang. Hiyaw ng isang balisang kapitbahay, “ hanggang bewang na kina Marci!” Iyon ang bahay ng congressman ng Marikina na ilang bahay lamang ang layo mula sa kinatatayuan ko. Matapos noon ay dali-dali akong bumalik ng bahay at sa laki kong gulat hanggang bewang na rin ang baha sa amin. Tinawag ko ang aking tiyahin na noo’y kinakausap pa ang ilan naming kapitbahay. Umugong na ang kotse ko na nakaparada sa harap ng bahay. Ganyan kasi yan kapag nababasa na ang pinto, parang umuuhang bata. Sinubukan kong tingan si Mercu (ang pangalan ng aking kotse) at tawagin na rin ang aking tiya. Sa ilang minuto na iyon ay nasa tiyan na ang lalim ng baha. Nabanggit pa ng tiyahin ko na habang pabalik siya ng bahay ay may nakasabay pa itong pusa o aso, hindi na raw siya sigurado. Kinatok ko ang umuupa sa ibaba namin upang sila’y kamustahin. Pumasok na rin sa kanila ang tubig.

Napaupo ako sa hagdan at napagmamasdan ko si mercu na unti-unti nang lumulubog sa tubig-baha. Nabalik na lang ako sa ulirat nang daglian nang umaakyat sa amin ang mga batang anak ng umuupa sa amin. May kalong pang sanggol ang pinakapanganay sa kanila. Hanggang sa lahat kami ay unti-unti nang napaakyat sa hagdan ng paatras dahilan sa patuloy na pagtaas na tubig. Umabot ang tubig sa aming hagdanan. Mayroon kaming labintatlong palapag mula sa mismong pinto ng bahay at ang tanging kita sa mga sandaling yaon ay walo habang nakalutang ang mga di-naisalbang gamit ng mga nakatira sa amin. Hinanap namin ang kanilang ina. Ito raw ay nagpunta sa palengke kanina pang umaga. Napatingin ako sa aking tiya sabay upo na lamang sa sofa at pagbating ang cute ng sanggol nila. Sa mga oras na yon, mula sa aming bintana wala na akong matanaw na lupa...

Halos 6 hanggang 7 pulgada ang lalim ng baha. Hindi ko na nakikita si mercu at pati ang mga nakasabit na halaman sa likod-bahay namin. Ang nakikita ko na lamang ay ang tolda sumisilong sa mga ito. Ang lalaking kapitbahay naming ay palangoy nang naglilipat ng mga gamit sa katabi nilang bahay. Nasa isang compound kasi sila kagaya namin. Walang tigil ang ulan...buong barangay ay para nang lumulutang sa ilog-marikina. Nagtext ang ilang kaibigan at ibinalitang may special segment na raw ang Marikina sa mga news programs. Doon ko na nasabi sa sarili ko, kakaiba na nga ang bahang ito. Isa-isa kong binalikan ang heograpiya ng aming lugar. Isa kasi kami sa matataas na lugar dito sa aming bayan. Kung gayon paano na kaya ang mga bahay sa ilog na nakita ko kagabing umuuwi ako? May mga stranded na raw sa mga karatig bayan tulad ng pasig, taguig, rizal at iba pa. Mga bandang hapon, buong kamaynilaan ay nasa state of calamity na raw.

Humahanap ako noon ng dahilan kung bakit biglaang nangyari ang kalamidad na ito. Tuluyan na kayang nagalit ang mga mitong sirena sa ilog-marikina sa pambabastos na ginagawa ng mga tao rito? Kaya sila nagpasyang gumanti naman, kahit one time lang? Ito na rin kaya yung pinag-uusapan namin dati ng isang kaibigang naibahagi ang pananaliksik niya tungkol sa 2012 event na may mga aliens na darating, tapos may mga calamities na mangyayari at mga ilan pang mga bagay na hindi ko na inalala kasi nga nakakatakot. O wala lang...nangyari lang siya talaga? Para kasing hahanapan mo ng paliwanag ang matinding pag-ulan ng humigit-kumulang na anim na oras ay katumbas ang isang buwang pag-ulan! Paano nangyari yon? Bakit nangyari yon? At napakarami pang ‘yon’ na ikinapagod ko na. Tumingin na lamang ako sa langit saka ko ibinulong “Ondoy, tahan na...”

Sa aking panaginip, nakita ko si Ondoy. Alam kasi ata ng isip ko na lumilikha ako ng kanyang imahen. Nakita ko siya bilang isang batang nakasuot ng tila sa pamprinsipe. May kahabaan ang kanyang buhok, maputing kutis at napakaaliwalas na mukha. Iwinawasiwas niya ang kanyang kamay sa isang batis na may damong matayog at itim na buhangin. Malungkot siya o nababagot, hindi ko masyadong mawari. Hindi rin ako sigurado kung may hinihintay siya. Hanggang sa may isang kamay na tumapik sa kanyang balikat at may nagwikang, “Ondoy, halika na.” Ito na marahil yung tinatawag sa drama sa TV na si ‘Bro’ kasi ganoon ko rin siya nakita sa eksena. Nagising ako, humupa na ang baha.

Alas tres ng madaling araw, nakita ko nang kalung-kalong nang inang umuupa sa aming silong ang sanggol. Ngayon lamang daw siya nakauwi gawa nang humupa na nga ang baha. Dali-dali kong tiningnan ang mga baitang ng aming bahay at muli ko nang nasisilayan ang mga ito. Kumpleto na pero pulos putik na. “Mabuti na rin ito” batid ko. “Kaysa naman sa tao ang nakikita ko.” Mula sa mga oras na iyon, gising na ang lahat ng mga tao at kanya-kanya na ang paglilinis ng kani-kanilang mga bakuran. Hindi iniinda ang lamlam ng tanawin at masangsang na amoy ng kapaligiran.

Masuwerte pa rin ang San Roque dahil sa karumal-dumal na nangyari ay ligtas ang lahat at tanging mga gamit at bahagi ng kabahayan ang nasalanta. Walang humihingang bagay ang kinitil ang isang talampakang baha. Huwag na sanang muling malungkot ang iba pang mga bagyo at iwasiwas muli ang kanilang mga kamay sa batis...sana’y maramdaman na ng mga mitong sirena na naging patas na sila sa mapang-abusong mga tao sa kanila at sana, teorya na lang ang pananaliksik ng aking kaibigan tungkol sa 2012...gusto ko na uli makita ang pinakalmalinis na bayan sa lungsod ng maynila at hindi ang pinakamarumi at malungkot na siyudad ng bansa.

Bro...pakitapik naman na sila lahat ngayon pa lang.

Salamat.