Siguro nga ay kailangan ko na itong harapin. Para sa ikakapanatag ng aking kalooban at isipan...para sa ikatatahimik at ikagagaan ng sarili ko at para makahanap ng kasagutan sa lahat ng aking hinuha. sa loob ng napakaraming taon na pilit kong iwinawaglit at hindi pinagtutuunan nang pansin ang isyung ito ng buhay ko. Kailangan ito upang ako ay tuluyang mabuo.
Mula noong ako ay bata pa, hanggang sa namulat sa katotohanan ng buhay, hindi ako nagtanong o nag-usisa; bagkus ako ay nanatiling tahimik at sumunod lang sa agos--saan man ito patungo o kung anuman ang kahihinatnan. Pero narito na ako ngayon at dama na ang pagiging handa...ngunit puno ng kaba sa kung ano ang bubuyangyang sa akin.
Nahihirapan akong isiping ang lahat ng kanyang sinasabi at ipinapadama sa akin ay katotohanan dahil sa ito ang hudtat na siya ay kailangan ng agarang tulong. Pero ayoko naman ding ipanalanging hindi totoo dahil ako ay masasaktan--sa lahat ng kanyang pagsisinungaling at maliang pamumutawi ng mga kwentong gusto niyang paniwalaan ko...dito sa puntong ako kinakabahan. At natatakot. Sa dami ng mga nailathala na ng isip ko mula noong ako ay bata pa, hanggang sa ngayong ako ay muling nagiging makata, ang mga tanong sa lahat ng kanyang ibinigay sa akin ay walang sagot. Ngayon na lamang na gusto na ng isip at puso ko ang katotohanan. Marahil ay iniadya na rin ng pagkakataon na ito ay aking gawin nang sa gayon ay mabigyan ako ng kapanatagan at pilitin kong maging buong mulinang aking pagkatao...gaano man kasakit o kasaya ang magiging kahihinatnan.
Mahirap ang ganitong sitwasyon lalu na't nakakasalamuha ko ang mga taong kagaya rin naman namin ngunit sila ay kakaiba pa rin. Kaiba sa akin sa kadahilanang sila ay hirap ngunit buo; nagaalitan ngunit magkasama. Ako, ngayon pa lang...sana.
Hindi ko maiwasang maalala pa rin ang lulah..nang dahil sa kanya ay ako ay umabot sa pubtong ito kung saan ay kaya ko na ang harapin ang puntong ito ng buhay ko na ako ay matatag (o pilit na nagiging matatag). At alam ko ring gagabayan niya ako sa gagawin kong ito. Naniniwala ako na itong paglalakbay na ito ang magbubukas ng daan sa akin para makita ang katahimikan, kasagutan at kapayapaan sa puso ko...para matutunan ko at tunay na maramdaman ang kasiyahan--ang kasiyahang may kapayapaan...