Wednesday, January 14, 2009

ANG KAAWAY NI LULAH (noong siya'y buhay pa)


Natapos na ang malamlam na pagdaong. Salamat sa Bathala't naging maaya ang marubdob na pagkahol ng sakit mula sa kanya. Datapwat ang bala ng pagsasalinsin ay naririyan at nanatiling nakaumang. Kung maari lamang itong tablahan, noon paman siguro'y ginawa ko na. Nuong una, nalimutan na nito ngunit bakit ngayo'y naalala pa niya? Naalala pa niyang hindi pa sapat ang ibinigay niyang sakit sa naturang ina? Nakaririmarim siya! Kung siya lamang ay nahahawakan, dinakma ko na siya; kung siya lamang ay nakakausap, minura ko na siya; kung siya lamang ay diyos...mag-aalay ako at dadalanging huwag muna. Subalit lunan niya'y walang humpay na kabuktutan sa buhay.

Nilikha siya upang ang kakintalan ay makita at labanan nang kaagapan. Itinatanong ko tuloy kung "siya ba ay masaya sa ginagawa niya?" "Mas malaya ba ang kanyang paghinga kung pumuputol siya ng hininga ng iba?" "Bakit pa ba siya nabuhay kung tungkulin niya ay pumatay?" Maaring napakatayog ng pala-isipan at mga katanungan ukol sa kanya. Ngunit bilang isang nilalang na aamining makamundo kung minsan, karapatan ko ang makaalam. Walang kawala lahat nang matipuhan niya! Marahil ultimo kulisap, walang magagawa kung siya'y dumapo na. Napakabarubal niya! Makasarili't mapanghangad. Ang mga taong may malalim na ugnayan sa demonyo, ayaw ba niyang kitilin? Sila itong nararapat patawan at magsilbing pinaka-eksaktong biktima para sa kanya. Tulad na lamang ng mga makasariling kadugo na walang ibang hinangad kundi ang makita kang nakalugmok at di titigil hangga't hindi nangyayari ang gayon...sila ang dapat MAMATAY! Ubusan sila ng hininga at huwag nang maalala pa!!!

Nasasapuso ko rin ang masamang pagtatanim subalit tao lamang ako at bawat taong may malayang paghinga, karapatan ko ang magsambulat. Siguro hindi ako masasagot sa ngayon nitong matinding kaaway pero sa bawat pagtakbo ng oras, nagiging ginto ang nasa paligid dahil sa walang katiyakang paghupa ng kinang nito. Tama ang isang kaibigan nabatid ko...kumatok na muli sa Panginoon upang kamustahin ang katotohananng pinanghahawakan ko noon, ngayon at sa darating pa. Sana nga lamang ay mabigyan Niya ako ng sagot bukod sa mga ibinulalas niya na pinanghahawakan ko sa ngayon.

No comments: